Monday, June 18, 2012

SI TATANG AT ANG BILANG NA ISA, DALAWA, TATLO




Maigi naman at umulan.
Lumamig ang paligid.
Napatid ang uhaw ng mga natutuyot na halaman at nabawasan ang alikabok.
Nagkaroon ng pagkakataon na makaligo ang mga taong grasa.

Sumakay si Tatang.
Nakabitin s’ya sa estribo at kaagad na nag-abot ng bayad.
Sa palagay ko ay nasa panggabing edad na s’ya ng sitenta.
Sunog ang balat sa araw na mapula at makintab.
Matipuno ang kanyang katawan.
Na nagdidikta sa aking isip na malakas si Tatang.
Nakakasabit pa nga siya sa jeep bilang parte ng kaarogantehan ng ibang pasahero.
Buti na lang may kaagad na bumaba.

Kulay puti na ang kanyang buhok na may mangilan-ngilang kulay abo.
Ganundin ang kulay ng kanyang bigote at kilay.
Malalim ang mata at tila hindi natutulog.
Umuulan noon kaya ang kanyang mga binti ay puno ng mantsa ng putik.
Ang kanyang paa naman at tsinelas ay basa marahil dahil na din sa pusaw sa lansangan.

Nakasuot s’ya ng kulay asul na sumbrero.
Ngunit nangingitim na dahil sa kalumaan.
Nakasulat sa sumbrero ang pangalan ng girlfriend ni Shrek.
May sakbat s’yang bag sa kanyang likuran.
Ang kanyang sandong puti at puruntong ay halatang madumi at manipis na din.
Sa kanyang kanang kamay ay may hawak s’yang plastic bag.
Puno ito ng mga basura  ng mga bote ng mineral water at baso ng  buko juice.

Maingay sa jeep dahil sa tunog ng “Teach Me How To Dougie” ng radyo ni Manong Driver.
Ngunit sa aking palagay ay hindi yun naririnig ni lolo.
Malayo ang kanyang tingin at tila may sinasabi ang kanyang mga mata.
Hindi man mukhang pagod ang kanyang katawan ay nararamadaman ko na pagod ang kanyang puso.
Wala s’yang pakialam kung yumayanig-yanig ang speaker sa ilalim ng kanyang upuan.
Ang kanyang hindi pagpansin sa tugtog at sa mga sasakyang nakikipag-unahan ay katulad din ng mga pasaherong walang pakialam sa kanyang presensya.

Naalala ko ang aking lolo at ang kanyang katandaan kay Tatang.

“When we go down, will be dreaming safe and sound.
You better know why.
Well baby that’s all I got”

Napakaswabe ng tugtog sa aking tenga.
Hindi katulad ng sounds ni Manong.
Kahit tumatapik-tapik pa ang aking paa, napagpasyahan ko na itigil ang aking pagsasounds.
Nagkaroon ako ng maitim na balak.
Inilagay ko ang phone sa camera settings at pinilit kong kuhanan si lolo.
Ang mga ganitong pagkakataon ay hindi ko kayang palampasin.
Hindi ganun kaganda ang aking gamit na camera dahil sa cellphone lang ito.
Mahirap kapag moving ang subject.
Yung jeep ang moving.
Kaya tinityempuhan ko na kuhanan si Tatang.
Dinamihan ko ang shots para madami akong mapagpilian.

May katabi si Tatang na Ale.
Tingin s’ya ng tingin sa akin.
Yun nga lang, hindi ako sigurado kung nakatingin nga s’ya.
May diperensya kasi ang kanyang mata.
Lampas an ang titig n’ya.
Yun yata ang tinatawag na banlag.
Hindi rin ako sigurado kungalam n’ya na nililitratuhan ko si Tatang.
Magkaganun pa man, hindi n’ya ako mapipigilan(hehehehehehe)

Hindi ko mawari kung si Tatang ay “junk man”.
Naisip ko na baka negosyo n’ya ang paglimot ng mga basura.
O baka naman isa s’yang mamayan na may malasakit sa kalikasan.
Bawal na kasi ang anumang uri  ng plastic ngayon sa siyudad.
Hindi ko naman sasabihin na isa s’yang pulubi dahil lamang sa kanyang hitsura at kasuotan.
Napatunayan ko naman na maliwang ang kanyang isipan dahil nagbayad s’ya kaagad ng pamasahe sa jeep.

Isa talaga s’yang malaking palaisipan sa akin.
Naglaro na ang mga ideya kung may pamilya kaya s’ya.
Kung saan kaya s’ya bababa at kung may permanente s’yang tahanan.
Patuloy pa din ang pagkuha ko ng mga larawan niya.
Binubura ko na lang kapag masama ang kuha.
Patuloy pa din ang pagtingin sa akin ng ale kahit hindi ko taalga sigurado kung sa akin nga s’ya nakatingin.
Bumaba si Tatang.
Sinundan ko s’ya ng tingin kung saan s’ya pupunta.
Malayo man ang jeep ay sinigurado ko kung may pupuntahan nga s’ya.
Pumasok s’ya sa isang iskinita.
Umasa ako nasana mayroon nga s’yang tinutuluyan.

Makabuluhan ang aking pagbyahe noong araw na yun kahit na istorbo sa sarili kong musika ang Teach Me How To Dougie ni Manong Driver.
Solve na ako kahit palaging nakatingin sa akin si ale.

Hapon na noon at lumalakas na ang pag-ambon.
Madaming nag-aabang na pasahero kaya pinatulan ko na ang dumaang bus.
Masikip na dahil sa mga unahang pasahero.
Kahit dalawa ang dala kong bag ay nagtiis na lang ako sa pagsabit sa estribo.
Pilit ko na ilabas ang aking wallet para kumuha ng pamasahe.
Pagtingin ko nagtaka ako.
Buo pa din ang aking 20 pesos.
Bakit buo pa ito???
Gumuhit ang mga pangyayari sa utak ko.
Kumabog ang aking dibdib.
Kaya pala nakatingin sa akin ang ale.
Hindi ako nakabayad ng pamasahe.

Kwang! Kwang!!!