Thursday, July 2, 2015

Dear JASON

Natatandaan ko pa nung una kang pumasok sa aking klase binubully pa kita at sinabihan na wag papasok ng lasing. Inakala ko na magpapasaway ka lang dahil mukhang wala kang sustansya pero hindi naman pala. Proud ako na isa ka sa produkto ko. 

Ang iyong mga appreciation ay nagsasabi na ang isang pinakatamang bagay na ginawa ko sa buong karera ko ay ang magturo, maghubog, mangaral at mamburaot ng estudyante. :p 

Mula sa pagsasabi na: "Mam, salamat, yung mga itinuro n'yo dati nagagamit ko ngayon." Patunay na hindi naman ako naghayop lang ng tatlong taon.
Na kahit may palaging umiiyak na magulang sa harap ko, mga nagrereklamong bata sa suggestion box, mga pokerface na estudyante, nagpa-foundation day sa klase at naghihinuko, delay na sweldo, ang iyong appreciation ay nagtutulak sakin na kelangan ako sa larangan na yun. 

Sabi mo dati, hindi mo kaya ang magsagot. Pinilit pa kitang magpunta sa glassboard. Ang tagal din. doodle, doodle."
Nasabi mo na lang: "Madali lang pala mam. 

Maraming salamat dahil hanggang ngayon, pinagtitiwalaan mo pa din ang aking opinyon sa iyong pag-aaral. Sa palagay ko naman ay sumaya ka nung tinanong mo ako sa major na gusto mo. 

"Mam konti na lang, makakatapos na ako. Ang simula ng katapusan."

Kahit pa alam mong kaya mo namang i-google ang hindi ko alam, humihingi ka pa din ng mga salita ko.  

Salamat sa tiwala. 

Lagi mong tatandaan na hindi sa hitsura, wala sa laki o liit ng utak kundi sa eagerness mo na matutunan ang mga bagay-bagay nagsisimula ang tagumpay. 

Paulit-ulit kong sasabihin, "walang taong bobo, tamad meron."

Ipagpatuloy mo lang ang tiyaga dahil alam ko na madaming natutuwa sa pagsisikap mo na matuto. 

May theory ako na ang iyong positive attitude ang makakatulong sayo para magkaroon ng magandang gelpren, kahit na hindi mo naman kelangan yun. :p

Jayson, ikaw ang representasyon ng mga batang tinuruan ko nuon.

I-minus na lang natin amg mga negatibo dahil alam ko naman na nasisindak ka kapag naghuhurumem tado ako sa klase. 

Sana mas lalo mong patunayan na nangagaling ka man sa course na bakalan, at lumipat sa campus na puro babae, kaya mo naman makipagsabayan. 


Ang tagal ko ng naghahanap ng inspirasyon para makapagsulat ulit, sa birthday mo lang pala ko maiisipan.

Hangad ko ang iyomg tagumpay at sana ay mangyariang lahat ng magandang hangarin mo sa buhay. 

Wednesday, February 19, 2014

SI JUAN BANTUGON





Animapu’t anim na taong gulang na si Juan Bantugon.
Sabi niya ang kanyang angkan ang isa sa pinakamayaman sa Mabini, Batangas.
Ngunit sa kanyang angkan siya na ang pinakamahirap.
Kinalimutan o sadyang nagpalimot, ay hindi matiyak.
Matanda na at payat para sa kanyang edad si Mang Juan.
Umuubo-ubo at mabagal maglakad.
Nakabanil ang mga ugat sa braso at binti at medyo uugod-ugod habang naglalakad.

Sabi ni Mang Juan, nagkasakit siya dahil sa bisyo.
Alak at sigarilyo ay libangan niya noong kabinataan.
Tumigil lamang noong pinayuhan ng doktor na kailangan na niyang iwan ang kaibigan niyang bisyo.

Naninirahan si Mang Juan sa isang maliit at payak na bahay na sa tingin ay mukhang nangangailngan ng operasyon.
Ang kinatitirikan ng kanyang bahay ay pag-aari ng isang taga-Maynila na hindi naman nila nakikita simula’t-sapul.
Nagtayo lang sila ng bahay at wala naman daw sumisita.

Si Jhonny at ang kinakasamang si Irene, si John First lee na kanilang anak, si Jinggoy, Alexis at Nico ang mga kasama ni Mang Juan sa kanyang tahanan.
Wala na ang kanyang asawa, iniwan o wala na talaga ay hindi maliwanag.
Si Jhonny ay isang parking attendant.
Si Irene ang nangangasiwa ng bahay.
Si Jinggoy ay namamasada gamit ag kanyang tricycle.
Sina Alexis at Nico ay mga estudyante ng high school.

Ang aking mga tanong na bitbit ay tungkol sa programa ng gobyerno.
Bilang matanda ay madami siyang komento tungkol dito.

Nag-aalala s Mang Juan para kay Alexis at Nico.
Mataas ang pangarap ng dalawang bata na makapagtapos ng kolehiyo.
Natanggal ang scholarship grant ng dalawang bata dahil hindi naabot ang kotang marka.
Ganun pa man, buo ang paninidigan ni MAng Juan na matalino ang kanyang mga anak.

Ang sabi ni Mang Juan, kung alam lang niya na ganun ang kahahantungan ng kanyang pamilya ay pinagbuti niya ang pag-aaral niya.
Nag-iisa siyang anak at pinag-aaral ng kanyang magulang ngunit hindi siya nakinig.
Kaya ngayon, nalulungkot siya para sa kanyang mga anak na may interes sa pag-aaral ngunit problema ang pang-ayuda sa araw-araw.
Panalangin niya sana makatapos ang dalawa.

Bahagyang nagkwento si Mang Juan sa kanyang buhay pag-ibig.
Para sa kanya, ang tunay na pag-ibig ay yung hindi lumilipas.
Hanggang ngayon daw ay mahal pa din niya ang unang babae na kanyang minahal.
Tunay na pag-ibig daw ang kanyang naramdaman kahit na hindi sila ang nagkatuluyan.

Bagama’t inaatake ng ligalig si Mang Juan dulot ng katandaan, mabait naman ito ayon kay Irene.
Hindi ito mahilig makipag-usap sa kapit-bahay lalo at wala naming mapapala kundi chismis.
May transisitor radio si Mang Juan na  kanyang libangan.

Sa halip na makipaglimayon sa kapit-bahay at magsugal, nagtatanim si Mang Juan sa paligid.
Napapakinabangan niya ang kanyang mga tanim na prutas at gulay sapagkat maya’t-maya ay may sumusulpot na batang uhuguin upang bumili ng Indian mango na sa tingin ko ay bubot pa.
Ipinagbebenta niya ito ng mamiso.

Ayon pa kay Irene, inaapi ang pamilya ni Mang Juan.
Pinagchichismisan ang pamilya BAntugon ng mga taong nasa paigid.

Walang linya ng kuryente si Mang Juan.
Nakikisipi lang sila sa kaptbahay nilang mag-asawang lalaki.
Limang daan piso ang bayad nila sa kuryente.
May isa silang tv, electric fan at dalawang ilaw na malimit ay patay.
Inalok daw sila ng pampatipid ng kuryente ngunit ganun pa din kanilang ibinabayad.

Sa pagitan ng aking interview palagi niyang sinasabi sakin na pasensya na daw at hindi na ako nagmeryenda. Ang sabi ko naman ay huwag ng mag-abala dahil isang basong tubig lang ang aking kailangan.
Sabi ni MAng Juan, sana daw lahat ng nabanggit kong programa ay mapamahagi ng gobyerno lalo sa mga katulad nilang kapos.
Panalangin lang ni Mang Juan makatapos ang dalawa niyang anak upan hindi magaya sa kanya.

Bago ako umalis binigyan ako ni Mang Juan ng apat na manga.
Pagdamutan na lamang daw ang kanyang nakayanan dahil medyo kapos talaga.

Umakyat si Mang Juan ng puno para muling pagbilhan ang mga batang uhugin.

JUAN BANTUGON.
BANTUGON JUAN.

Tuesday, January 7, 2014

BAKIT KA GA NAGPAPALIWANAG?




Isang babae tinatalakan ang asawa dahil umuwing lasing at may lipstick sa kuwelyo,
May pakialam sa’yo?

Magkasintahang magkahawak kamay, magkakiskisan ng labi;
May pakiaalam ba sila sa’yo?
Asong babae at asong lalaki, nasa isang tabi, may ginagawang kababalaghan;
May pakialam sila sa’yo?

MAmang nagsasalita sa kalsada, nagsasalita mag-isa;
May pakialam ba sila sa’yo?
Aleng hubad sa kalsada, tumatawa, umiiyak, sumisigaw mag-isa;
May pakialam ba sila sa’yo?

Mga langgam, sunud-sunod, pila-pila, bitbit ang mugmog na napulot nila;
May pakialam ba sila sa’yo?

Mga tomboy, bakla, na nagrarally sa kalsada para sa marriage rights;
May pakialam ba sila sa’yo?

Mga tambay na nag-iinuman sa kanto,
Mga ginang na nagchichismisan, mga batang tumutulo ang sipn at nagsisimot ng chichiria sa lupa,
May pakialam ba sila sa’yo?

Mga selfie addict, narcissists, photo basher, hashtaggers, epal!
Candy crushers!
Si Jollibee? Ronald Mcdonalds?
Daniel Padilla?
Bertong Badtrip?
Toblerone?
Sweldo?

May Pakialam ba sila sa’yo?

Eh yung katabi mo?
May pakialam sila sa’yo?

Monday, November 11, 2013

MNS (MAALAALA N'YO SILA)


Kinikilig pa ako habang naiisip ang mga isusulat ko.
May pag-ngiti ako sa hangin at pag-ngangalit ng mga ngipin.
Isabay pa ang ang mga nagniningning na mga mata at bahagyang panginginig ng mga kamay at tuhod..
Kung hindi lamang eskandalong ilabas ang laptop, malamang natype na ako habang nakasakay sa jeep.

“These are your loadings.”

ME:”rock and roll”


ANG TUNAY NA ESTUDYANTE,  GUSTONG MAGING DRUG LORD.
Ang tunay na Drug Lord ay gusto ng leading lady.

AKO:  Anong pangarap mo sa buhay?
STUDENT: Mam! Maging DRUG LORD po.  At si pareng “toot” ang aking leading lady. :P
 (laughtrip sa klase.. :P)

ANG TUNAY NA ESTUDYANTE NAG-HIHINUKO kapag may klase.

ANG TUNAY NA ESTUDYANTE:
Ginagawang major ang minor subjects.
Kahit minors ibinabagsak at nakanganga tuwing exam.

Ang tunay na estudyante ganito magtanong ng tungkol sa exam.

Estudent: “Mam, ano pong coverage ng exam?”
Titser: “Chapters 1-3.”
Estudent: “Chapters 1-3 po?.”
Titser: “Oo, chapter’s 1-3.”
Estudent: “Mam, san po kayong  kumuha ng maraming i-eexam?
Titser: “Gusto mo sa chapters 6-8?”

Ang tunay na estudyante ay mas mayaman kesa sa kanyang titser.
Dahil ang tunay na estudyante ay may hot wheels at pwedeng magdamit ng super duper gadgets.
               
Ang tunay na estudyante ay hindi alam ang pagkakaiba ng ng mga salitang “TEACHER” at “INSTRUCTOR”.

Ang tunay na estudyante:
Nagtetext sa boypren/ gelpren habang may  klase.
Nakikipag-usap ng tungkol kay Miley Cyrus habang nagkaklase.
Pinagkukwentuhan ang nangyari sa episodes ng Got to believe habang may klase.
Nagdo-drawing ng kung anu-ano sa papel para lumipas ang oras.

Ang tunay na estudyante, takot sa Accounting at Math.


Ang tunay na estudyante nag-iimagine ng kung anu-ano habang may klase.
Ang tunay na estudyante iniisip na may sungay ang titser niya habang nagkaklase.

Ang tunay na estudyante:
Nagsusuklay, naglalagay ng lipstick habang nagkaklase.
Nagpupulbo habang nagkaklase, dahil ang tunay na estudyante, dapat mukhang kabuki actress.
Inaakala n’ya Foundation Day araw-araw.
Ang tunay na estudyante ay mukhang characters sa anime.

Ang tunay na estudyante laging nagtatanong kung: “Mam, may klase?.”

Ang tunay na estudyante ay sumasayaw, kumakanta, tumutula, nagdadrama at kumakain ng buhay na manok.
Ang tunay na etudyante ay maraming request.

Ang tunay na titser, HARDCORE. bow.

Sunday, June 16, 2013

ISANG ORAS LANG


May bago na kaming mayor.
May 7-11 na sa San Jose.
Nasira ang tulay.
Sinira ang tulay.
Ginawa ang tulay.
Reject ang pagkagawa sa tulay.

Malaki ang itlog sa San Jose.
Laganap ang patayan sa San Jose.

Ikatlong taon ko na sa pagtuturo.
Marunong na nga akong magluto.

Lumipat ng trabaho si utol.
One year na si Yui.
Na-advise ng doctor na magpahinga si Art.

Hindi ko pa din nagagawa ang mga requirements
Siguro malapit ng maka-graduate si Ako.
Siguro lang.

Inlove si Angelo.
Inlove si Yanille.

Namatay si Choco.
Masaya si Brandy.
May sakit si Pusa.
May bago na akong pusa.
Miyaw kambing siya.
Pangalan niya” Snowy.”

Maldita na ako.
Tahimik pa din pag tatlo lang ang tao.
Pumayat ako.
Tumaba ako.
Nagsuicide, nabuhay ako.

Malambing na ako sa isang tao.
Umuulan ng asukal araw-araw.

Masaya na si Utot.
May trabaho na si Abeng.
Tumigil magyosi  si Gervin.
FAns ko na si Kaltog at Cirilo. chareng.
Pinilit ko lang silang magbasa.:P

Masikip sa opisina.
Nag-present na ulit ako sa blog.
Mahilig na sa Hello Kitty.

Tamad ako.
Masipag ako.
Balahura pa din sa bata.

Nagbebenta ako.
May utang ako sa tuition.

Ang dami ko ng dress.
Pedicure, manicure.
Sumusulpot na ang salot sa buhok ko.
Nagrereklamo ang keyboard  sa daliri ko.

Tanggal na ang shed sa crossing.

Nag-asawa na si utol.
Buntis na ang asawa ni utol.

Tumitibok ang puso ko.
Natural,  buhay ako eh.
Pink.

May gelpren na si Espren.
Hindi na niya ako dinadalaw.

May gelpren na si Gerald Understand.
Pangalan niya Maja.                                                                                                                                                    
Kunwari masaya si Kim Chiugat kay Xian Lim.

Masaya si Maya kay Ser Chief.
Kinikilig ang mga katulong at gwardya.

Bading na si Charice.
BAding  si Vice.
Epal si Cristy Fermin.

Anng nagyari kay Mio?

May bigote pa din si Sabaytones.

Ikinasal na si Maricar.
Po-on na siya ngayon.

Negative si Sarah Abad sa drugs.

Dumadami ang mga bading.

Sasakupin na tayo ng mga Africans, Koreans at Vietnamese.
BUHAY pa tayo.


Masaya.  ^_^
Ewan.
I lab et! |("\^_^)/")

Wednesday, April 10, 2013

REPOST- SINO SI LOURD DE VEYRA?? IDOL KO SIYA..^_^





(Below is the speech of Lourd de Veyra which he delivered on April 22, 2012, Sunday before the 2012 batch of the University of the Philippines College of Mass Communication)
First time akong makaka-attend ng graduation ng college. Kahit sarili kong graduation ay hindi ako nakadalo. Nung panahon ko ay hindi ako naka-martsa sa entablado. Hindi rin ako naka-graduate on time.
Seven years after ko pa nakuha ang diploma ko, pero hindi na ako nag-martsa. Parang nakakahiya na. Kaya hanggang ngayon, ay masamang-masama ang loob ng aking ina dahil hindi kami nagkaroon ng Kodak moments. Pero wala nang Kodak ngayon. Kaya sinama ko na lang siya dito. Ayaw niyang maniwala na ako ang graduation speaker ng UP Mass Com.
Habang nagma-martsa sa PICC ang mga miyembro ng UST Arts and Letters batch 1995, kaming tatlo ng best friends ko ay naglalasing, nagdadalamhati na masisira na ang buhay namin.
Marami salamat sa imbitasyon. Kahit sa ‘min sa TV5 ay parang ayaw nilang maniwala.
“Bakit ikaw?” Yan din ang tanong ko. Busy siguro si Boy Abunda. Sabagay uso naman yata ang mga patawang graduation speech. Si Will Ferrell at si Sacha Baron Cohen ay inimbatahan ng Harvard nung 2003. Alam ko ang naiimbitahan sa ganito ay yung mga middle-age na may mga mahalaga nang naiambag sa lipunan at sa mass media— bukod sa pag-endorse ng isang brand ng alak at pagkakaroon ng billboard sa Edsa na may pekeng abs. Hindi rin naman masyadong nagkakalayo ang mga edad natin.
Para sa inyong lahat: walang sisihan. At para sa lahat ng mga aktibista dito, sana ay patapusin niyo muna akong magsalita bago kayo umakyat dito at magwagayway ng banderang “Serve the People” (Tingnan natin kung makakapag-serve the people pa rin kayo habang nagsusulat ng dialogue sa telenovela ni Aljur Albrenica sa susunod na taon).
Maraming salamat ulit.
Tinuturing ko itong isa sa mga pinakamatataas na karangalan ang maimbitahang magsalita sa harap niyo— hindi nga ako gradweyt dito eh. Eh kahit nga sariling kong alma mater hindi ako iniimbitahan magsalita. Siguro kinahihiya nila ako.  Hindi rin nila ako naimbitahang magturo ulit. Buti pa ang De La Salle University, na naanyayahan akong magturo nung huling term.
Hindi ko sigurado kung ano ang gusto kong sabihin.
Pero bago ang lahat, gusto ko munang gayahin si Miriam Defensor Santiago na hihirit muna ng pickup line bago mag-speech, lalo na dito sa UP. “Yelo ka ba? Para kasi ang sarap mong ipukpok sa pader eh.”
Marami sa inyo ang magtatrabaho sa mass media. Marami rin sa inyo ang papasok sa gobyerno. Malamang marami rin ang ibebenta ang kaluluwa sa advertising at gagawa ng mga kopya tungkol sa shampoo at fried chicken. Ilan sa inyo ay mangingibang bansa. May porsyento na mananatiling tambay. Ang ilan naman ay magkakaroon ng scandal video at tuluyang masisira ang buhay.
Hindi ko na siguro kailangang sabihin kung gaano kayo kapalad na mapabilang sa henerasyon. Nabubuhay kayo sa mundo na wala ka nang karapatang maging tanga, maging mangmang. Dapat may maglabas ng ganyang slogan sa advertising, “BAWAL MAGING TANGA.” Nagtatampisaw tayo sa baha ng impormasyon.
Pero hindi pa rin maiiwasan na may magtanong sa Twitter kung ano daw ang capital ng Pakistan. Kung may Internet connection ka, you could have saved yourself the humiliation of being called stupid and instead make GMG: “Google mo, gago!”
Pero ito ang problema. Iba ang impormasyon sa karunungan — ganap na talino at dunong.
Hindi lahat ng may impormasyon ay may talino. Ang impormasyon ay phone number ni Coco Martin. Pero ang karunungan ay si Coco Martin mismo. Siya at ang kanyang katawan. Yaaa-meeee.
Sa mundong umaapaw sa datos, wala na tayong excuse maging mangmang. Pero kahit si Christopher Lao ay ganap na abogado ngayon, he was still not informed. Minsan, sa pagnanais nating makakuha ng impormasyon, nakakalimutan natin ang talino, ay ang may saysay.
Eksampol na lang nito ang panonood ng concert habang nagvi-video ng performance.
Para kang tanga: ilang oras kang nakahawak sa cellphone mo, nakataas ang kamay, at sa proseso ay nalimutan mo ang dapat mong pakay: ang mag-enjoy sa konsyerto.
Ang hinaharap nating hamon ay kung paano humubog ng saysay mula sa bundok-bundok ng impormasyong ito. Uulitin ko. Napakapalad ninyo.
Kung alam niyo lang. Kung alam niyo lang kung paano ang buhay kolehiyo namin noon. Ngayon halos lahat na bahay ay may computer at Internet connection. Dati umaarkila pa kami ng computer—kung hindi sa Cubao, sa Pasay— para lang makagamit ng sinaunang Microsoft Word. Ang thesis ko pa ay sinulat sa electric typewriter.
Twenty years ago, on exactly this month, ay tinatiyaga ko ang maglakad sa ilalim ng init ng araw para manghiram lang ng libro sa Thomas Jefferson Library at British Council.  Ngayon, ang kailangan niyo lang gawin ay “GMG.”
Twenty years ago, pauso pa lang ang grunge, at kinailangan pa naming bumiyahe papuntang Pasay para manghiram lang ng cassette tapes. Ngayon, GMG lang at…. Download. Ni hindi mo na kelangang lumabas ng bahay.
Huwag niyo sanang sayangin ang swerte. But speaking of swerte….
Tumigil na akong maniwala sa pagpaplano ng buhay.
Corny mang pakinggan, mas naniniwala ako sa tadhana. Kung totoo na talino at galing ang sekreto sa tagumpay, dapat wala ako dito ngayon. Hindi ako ang pinakamahusay na manunulat sa aming kolehiyo. At higit na mas marami ang mas magaling mag-isip kesa sa akin.
May paborito akong kasabihan mula sa idolo kong nobelistang si Kurt Vonnegut. “Unannounced changes in life’s itinerary are like dancing lessons from God.” Napakagandang ideya. Napaka-akmang metapora. Dancing lesson.
Sa dancing lesson, wala kang ibang pwedeng gawin kundi sumunod. Pag hinila ka dito, sunod ka na lang. Pag binaba ka, bumaba ka rin. Pag hinagis ka, magpagaan ka ng katawan.
Susugan din ito ng isa pang quote mula kay Voltaire: “I refuse to believe in a God who does not know how to dance.” Ang pagsayaw ay isang ekspresyon ng ligaya, ng laro, ng kalayaan ng katawan at diwa na mayroon pa ring sistema. Pero ako mismo ay literal na hindi marunong sumayaw.
Heto ang maiksing kwento ng buhay ko.
Pagkatapos ng kolehiyo, diretso sa trabaho sa diyaryo bilang reporter at editor. Umatend ng sandamukal na writing workshops. Nagtrabaho sa isang creative writing center. Rumaket sa iba’t ibang mga magazines. Nagtayo ng banda at nag-record ng apat na albums.
Nakapagsulat ng apat na libro ng tula sa Ingles, isang aklat ng essays, at isang nobela. Naka-tsamba ng ilang writing awards along the way. Tatlong taong gumagawa ng mga maiiksing dokumentaryo at video opinion pieces para sa TV5.  Kaya heto ako ngayon, weather presentor ng Aksyon prime news.
Weather? Ang labo no? Hindi ko inakala na mag-a-ala Amado Pineda o Ernie Baron o Kuya Kim ako.
By the way, kahapon ang record ng pinakamainit na temperatura sa Metro Manila sa taong ito. 35.9 degrees Celsius. Dahil pa rin yan sa ridge of high pressure area na umiiral diyan sa Hilagang Luzon.
Nung ako’y nasa elementarya pa, akala ko magiging pintor ako. Kung hindi pintor, sundalo. Nung high school naman, gusto kong maging gitarista. Pero gusto ni Erpat… abugado.
At hanggang ngayon, feeling ng tatay ko ay hindi ako ganap na matagumpay dahil walang “A-T-T-Y” sa simula ng pangalan ko. Hindi ko naman inakala na gusto ko palang magsulat.
At hindi ko rin namang inakalang marunong pala ako magsulat hanggang second-year college. Late bloomer ako pagdating sa panitikan. Nagtrabaho ako sa diyaryo ng anim na taon. Naging editor ng magazine ng mahaba-haba ring panahon. Sino bang mag-aakalang lalabas ako sa telebisyon?
Ngayon, may tatlo akong programa: ang Aksyon (kung saan ako nagwe-weather), ang talk show na Wasak sa Aksyon TV 41 (dito iniinterbyu namin lahat, mula kay Rico J. Puno hanggang kay Gringo Honasan), at ang Word of the Lourd.
Napasok ako sa TV taong 2009, nang tawagan ako ni Patrick Paez, isa sa mga bosing ng News and Public Affairs department ng singko— noong mga panahong nagdarahop pa ang istasyon (Oo, naranasan kong magtulak ng isang bulok na Toyota Revo na walang umasikaso ng baterya). Inalok niya ako ng isang segment sa late-night programang The Evening News. Bahala daw ako kung ano ang gusto kong gawin.
“Ano nga ba ang gusto kong gawin?” tanong ko sa sarili. Eh ang kaunting nalalaman ko sa TV production ay limitado lamang sa music video. Paano kaya kung makagawa ng paraan na pagsamahin ang elemento ng MTV at ang satirikong panulat?
Dito na pinanganak ang Word of the Lourd. Medyo blasphemous; wala na akong ibang maisip na title. Ninais nitong talakayin mga paksang hindi pinag-uusapan ng “seryosong” media.
Pero sa loob lamang ng tatlo hanggang apat na minuto. Hindi kailangang sundin ang mga kumbensyon ng isang mainstream report—dahil hindi naman siyang obhektibong pag-uulat.
Walang resource speaker o case study na iinterbyuhin, dahil, bakit pa? Ang mga unang paksa ay tungkol sa pagkakaroon ng abs, ang pagkahumaling ng Pinoy sa pagpapaputi ng kutis, at ang hygiene ng mga Pinoy. Di nagtagal, ang nunal ni Gloria hanggang buhok ni Noynoy, at tumagal hanggang sa pagka-macho ni Papa Piolo at ang tili ni Midas Marquez.
Kung hindi mainit na political issue, isang paksang may kinalaman sa kultura’t kasaysayan— gaya na lang ng balahurang asal sa social media, relihiyon, pagdura, pag-utot, mga mababantot na apelyido, Rizal trivia at iba pang mga historical tsismis, etc.
Hindi ko alam kung bakit siya hit. Pero dito ngayon pumapasok ang pagkaka-pareho namin nila Justin Bieber at Charice Pempengco.
Pero dito naman ako nagpapasalamat sa Internet, lalo na sa Youtube.
Dahil sampung tao lang yata ang nanonood ng Channel 5 noon, nagdesisyon ang isang editor na i-upload ang mga sinaunang episodes ng Word of the Lourd. Kung di dahil sa Youtube, sampung tao pa rin ang nakakapanood ngayon ng programang ito. Akala nga ng iba: sa Youtube ito unang umeere—kaya naiimbitahan ako lagi sa mga forum tungkol sa “alternative media.”
Anong alternative media pinagsasabi niyo diyan? May pera na kami ngayon. Ini-edit sa mamahaling computer ang video namin. Sosyal ang nire-rentahan naming van.
Hindi ko pa rin ang alam kung bakit siya nag-click—o kung matatawag nga itong “click” dahil mas marami pa ring views ang videos ni Petra Halimuyak at yung mga videos ng mga pagong na kumakanta.
Gayunpaman, ang swerte ko pa rin dahil sa kalayaang binigay sa akin ng mga boss na isulat ang gusto kong isulat—wag lang libelous. Nagpapasalamat din ako sa Gloria Macapagal Arroyo at Kris Aquino sa walang humpay na materyal na binibigay nila. Buti na lang at hindi ako brodkaster sa probinsiya— sa mga ganun, walang sense of humor ang mga politiko.
So, muli, sa inyong lahat, congratulations. Sana lang, wag tayo lahat matusta ng rocket ng North Korea. May dahilan kung bakit tinawag itong “commencement exercises.”
Commencement dahil magsisimula pa lang kayo sa biyahe niyo sa buhay. Kaya heto na ang payo portion.
Obvious naman: pero kailangan uling sabihin. Mahalin mo ang ginagawa mo. Huwag magtatagal sa isang trabahong hindi mo gusto? Bakit mo naman gagawin yun? Dahil sa salapi?
Darating din yan, basta buhos mo lang ang kaya mo, kesyo indie film man yan o isang artikulo tungkol sa pagkain o paglalabada.
May kwento tungkol sa isang monghe sa monasteryo. Napansin ng isang bisita na walang ginawa ang monghe na ito kundi magtrabaho sa hardin buong araw.
“Bakit daw hindi nagdadasal ang mongheng ito?” Sagot sa kanya, dahil buong isip at diwa ng mongheng ito ay nakalaan sa pagdilig at pagtabas at pagtanim sa halaman, mas taimtim pa daw ang dasal nito kesa sa mga nakaluhod sa loob ng simbahan.
Wag seryosohin ang sarili. Pero teka, kelangang klarohin ko ito. Okay lang ang serious, huwag lang solemn. Walang bagay sa mundo ang hindi napapagaan ng pagkakaroon ng sense of humor.
At pinakahuli sa lahat, matutong magtimpla ng kape. At hindi lang basta kape—dapat ito ang pinakamasarap na kape sa buong mundo. Hindi na siguro uso ngayon ang uutusan kang magtimpla ng kape ng boss mo pag ikaw ay nagsisimula pa lang.
At sigurado akong may teacher kayong nagpayo sa inyo na huwag na huwag kayong papayag na patimplahin kayo ng kape ng boss ninyo. May punto naman sila. Pero parang Karate Kid lang yan eh.
Galit na galit at takang-taka ang batang disipulong si Ralph Macchio: “Nagte-training ako ng karate, di ba? Bakit inuutusan ako ng matandang guro na maglinis ng kotse niya? Bakit niya ako inuutusang magpintura ng bakod ng bahay niya?” Sa huli, naintindihan niya rin kung bakit. Wax on. Wax off. At kung ikaw ay fan ng mga kung fu movies, ang ganitong tila-mababang pagsasanay ay pangkaraniwang arketipo. Paano ka pagtitiwalaan ng mas malaking responsibilad kung ang isang maliit na gawain ay di mo magawa nang maayos?
Okey, ituring lang na simbolo ang pagtitimpla ng kape. Kung hindi kape, malamang pabibilhin ka ng blank DVD, o may ipapahatid sa iyong papeles o P2 card.
Kung ayaw mo namang magka-boss, aba…. Madali lang yan. Andiyan naman ang You Tube. Libre naman ang magbukas ng blog (Aba, maraming kumikita diyan; lalo na pag tungkol sa pagkain— kahit hindi ka marunong magsulat).
Basta, keep it real, ika nga ng kasabihan. Minsan sa makabagong mundo, sa virtual na realidad, minsan nakakalimutan natin kung saan tayo nakatungtong, kung saan tayo kumikilos.
Bilang pangtapos, gusto kong basahin ang isang tula ni Jose F. Lacaba.

NAKATINGIN SA BITUIN
Di naman panay dilim
ang gabing walang buwan
pagkat maraming bituin
akong nakita noon,
paglakad sa lansangan
nakatingin sa bituin.
Mga hiyas sa langit
(‘ka nga) nagkikislapan,
wala ni isang pangit,
wala akong makita
paglakad sa lansangan
nakatingin sa bituin.
Di ko tuloy napansin
ang dinadaanan,
kalsadang walang ningning,
pagkat talagang abala
paglakad sa lansangan
nakatingin sa bituin.
Nasalpok ko tuloy,
nasalpok sa isang paa,
ang isang tambak ng
taeng kalabaw sa daan:
paglakad sa lansangan
nakatingin sa bituin.
Santambak na kumalat
Sa kalsada’t paa ko,
Paalala ng lupa
Na paa’y nakatapak,
Paglakad sa lansangan
Nakatingin sa bituin
Sa Batch 2012, congratulations at good luck, at sana ay huwag kayong makaapak ng tae ng kalabaw sa landas niyong tatahakin. Kung sakali man, sumayaw ka na lang.
 Text

Wednesday, January 9, 2013

PAHINGA

phot credits: Angelo Fan--https://www.facebook.com/media/set/?set=a.2996126593725.132767.1579041393&type=3

Minsan nabasag ang iyong puso, mundo mo ay huminto
Pilitin mo mang magmulat, hindi maisingit.
‘Pagkat malasa ang pait ng unang halik
Minsan ikaw ay natakot pairalin ang tibok ng puso.
Pilitin mo mang humakbang ay hindi makagalaw.
‘Pagkat malalim ang sakit ng unang pag-ibig.

Kung hindi mo naramdaman masasabi mong ok lang yan.
Ngnit ang pag-ibig ay mapanlinlang.
Hindi mo ito matatakasan..


Hindi madali ang paghilom
Hindi magdamagan ang paggaling ng sugat ng  kahapon
Hilaw ang saya kung hindi kusang sasara ang tabing ng nabigong pag-asa
Kaya….
Pahinga ka muna...